1Kayong mga taga-Lebanon, buksan ninyo ang mga pintuan ng inyong lungsod upang makapasok ang apoy na susunog sa inyong mga puno ng sedro.
2Tumangis kayo! Sapagkat kung paanong natumba ang matatayog ninyong mga puno ng sedro, ganoon din masisira ang mga puno ng sipres at mga puno ng ensina ng Bashan.
3Umiiyak ang mga pastol dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan. Pati ang mga leon ay umaatungal dahil nasira ang lambak ng Jordan na kanilang tinitirhan.
4Ito ang sinabi ng Panginoon kong Diyos: “Alagaan mo ang mga tupang kakatayin.
5Kinakatay sila ng mga bumibili sa kanila at hindi napaparusahan ang mga ito. Ang mga nagtitinda naman sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.