10“Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon, “maririnig ang iyakan sa pintuang tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’
13Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
14Malapit na ang nakakatakot na araw ng paghatol ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong.