8Sa araw ng paghahandog para sa Panginoon, parurusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari pati silang mga nakadamit banyaga.
9Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga diyos-diyosan at silang mga nagpupuno sa templo ng kanilang diyos ng kalupitan at pandaraya.
10“Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon, “maririnig ang iyakan sa pintuang tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.
11Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’