6Lilipulin ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa Panginoon.”
7Tumahimik kayo sa harapan ng Makapangyarihang Panginoon, dahil malapit na ang araw ng aking paghatol. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda.
8Sa araw ng paghahandog para sa Panginoon, parurusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari pati silang mga nakadamit banyaga.
9Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga diyos-diyosan at silang mga nagpupuno sa templo ng kanilang diyos ng kalupitan at pandaraya.
10“Sa araw na iyon,” sabi ng Panginoon, “maririnig ang iyakan sa pintuang tinatawag na Isda ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol.