3Kayo namang mga mapagpakumbaba at sumusunod sa mga utos ng Panginoon, hanapin ninyo siya. Ipagpatuloy ninyong itaguyod ang katuwiran at pagpapakumbaba. Baka sakaling ingatan kayo ng Panginoon sa araw na ibuhos niya ang kanyang galit.
4Wala nang titira sa Gaza at iiwang wasak ang Ashkelon. Wala nang tao sa Asdod pagdating ng tanghaling tapat, at lalayas na ang mga mamamayan ng Ekron.
5Nakakaawa kayong mga Kereteo na nakatira sa tabing-dagat. Ito ang sinasabi ng Panginoon laban sa inyo: “Kayong mga Filisteo sa Canaan, lilipulin ko kayo, at walang matitira sa inyo.”
6Kaya ang inyong mga lupain sa tabing-dagat ay magiging pastulan at kulungan ng mga tupa.
7Sasakupin iyon ng natitirang mga taga-Juda. Doon sila magpapastol ng kanilang mga hayop at pagsapit ng gabi ay matutulog sila sa mga bahay sa Ashkelon. Kahahabagan sila ng Panginoon na kanilang Diyos at pauunlarin silang muli.