10Ang mga nananalangin kong mamamayan na nakakalat sa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia ay magdadala ng mga handog sa akin.
11Sa araw na iyon, kayong mga taga-Jerusalem ay hindi na mapapahiya sa lahat ng mga kasalanang ginawa ninyo sa akin, dahil aalisin ko sa inyo ang mga mapagmataas at mayayabang. Kaya wala nang magyayabang doon sa aking banal na bundok.
12Ngunit mag-iiwan ako sa gitna ninyo ng mga taong inaapi at aba. Ang mga naiwang ito ay patuloy na magtitiwala sa Panginoon.
13Ang mga Israelitang ito ay hindi gagawa ng masama; hindi sila magsisinungaling o mandadaya. Kakain at matutulog silang payapa at walang kinatatakutan.”
14Sinabi ni Zefanias: “Kayong mga mamamayan ng Israel, sumigaw kayo sa tuwa! Kayong mga mamamayan ng Zion, ang lungsod ng Jerusalem, umawit kayo at magalak nang buong puso!