14Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng isang daang sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng isang libong sundalo.
15Tinawid nila ang Ilog Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.
16May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya.
17Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito upang tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumáma sa amin. Ngunit kung pumunta kayo rito upang ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Diyos ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”
18Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na pinuno ng Tatlumpu, at sinabi niya, “Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Diyos ninyo ang tumutulong sa inyo.” Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.