25Sinabi ni David, “Binigyan tayo ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ng kapayapaan at maninirahan siya sa Jerusalem magpakailanman.
26Hindi na kailangang dalhin ng mga Levita ang Tolda at ang mga kagamitan nito.”
27Ayon sa huling utos ni David, ang lahat ng Levita na nasa edad dalawampu pataas ay itinala upang maglingkod.
28Ang tungkulin ng mga Levita ay ang pagtulong sa mga pari, na mga angkan ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon. Sila ang mangangalaga ng bakuran ng templo at ng mga kuwarto sa gilid nito. Sila rin ang tutulong sa mga seremonya ng paglilinis at ng iba pang gawain sa bahay ng Diyos.
29Sila rin ang pinagkatiwalaan sa banal na tinapay na inilalagay sa mesa, sa piling harina para sa mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, sa tinapay na walang pampaalsa, at sa iba pang niluluto at minamasa. Sila rin ang pinagkatiwalaan sa pagtitimbang at sa pagtatakal ng lahat.