1Ang apat na lalaking anak ni Isacar ay sina Tola, Pua, Jasub at Simron.
2Ang mga lalaking anak ni Tola ay sina Uzi, Refaya, Jeriel, Jahmai, Ibsam at Samuel. Sila ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Nang si David ang hari, 22,600 ang bilang ng mga lalaking handang makipagdigma mula sa mga angkan ni Tola.
3Ang lalaking anak ni Uzi ay si Izrahias. Ang apat na lalaking anak ni Izrahias ay sina Micael, Obadias, Joel at Isaias na mga pinuno ng kanilang mga pamilya.
4Marami silang asawaʼt anak, kaya ayon sa talaan ng kanilang mga angkan, mayroon silang hukbong pandigma na binubuo ng 36,000 na lalaki.
5Ang bilang ng mga lalaking handang makipagdigma mula sa lahat ng pamilya ni Isacar ay walumpuʼt pitong libo ayon sa talaan ng kanilang lahi.