26Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Makapangyarihang Panginoon noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.”
27Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng Panginoon. At natupad ang sinasabi ng Panginoon doon sa Silo tungkol sa pamilya ni Eli.
28Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, ngunit tumulong siya kay Adonias. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonias, tumakas siya papunta sa tolda ng Panginoon at humawak sa mga sungay na bahagi ng altar.
29Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng Panginoon at lumapit sa altar, iniutos niya kay Benaias na anak ni Jehoiada, na patayin si Joab.
30Kaya pumunta si Benaias sa tolda ng Panginoon at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Ngunit sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaias sa hari at sinabi ang sagot ni Joab.