24Ito ang kailangan ninyong gawin: Alisin ninyo ang tatlumpuʼt dalawang hari sa kanilang katungkulan, at ipalit sa kanila ang mga opisyal.
25Pagkatapos, magtipon kayo ng mga sundalo, mga kabayo, at mga karwahe na kasindami ng mga nawala noon. Makipaglaban tayo sa mga Israelita sa kapatagan, at tiyak na matatalo natin sila.” Pumayag si Ben-hadad, at ginawa niya ito.
26Nang sumunod na taon, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo, at pumunta sila sa bayan ng Afek para makipaglaban sa mga Israelita.
27Nagtipon din ang mga Israelita, naghanda ng kanilang mga pangangailangan, at lumabas upang makipaglaban sa mga Arameo. Nagkampo sila paharap sa kampo ng mga Arameo. Ngunit katulad lang sila ng dalawang maliliit na pulutong ng mga kambing kung ikukumpara sa mga Arameo na nakakalat sa kapatagan.
28Pumunta ang lingkod ng Diyos sa hari ng Israel, at sinabi, “Ito po ang sinasabi ng Panginoon: Inaakala ng mga Arameo na diyos ako ng mga bundok at hindi diyos ng mga lambak, kaya ipapatalo ko sa iyo ang napakarami nilang sundalo upang malaman ninyo na ako ang siyang Panginoon.”