11Si Zedequias na isa sa mga propeta na anak ni Quenaana ay gumawa ng mga sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, lilipulin mo, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ”
12Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Haring Ahab, lusubin nʼyo ang Ramot-gilead, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
13Samantala, ang mga inutusan para puntahan at isama si Micaias ay nagsabi, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabi na magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang sabihin mo.”
14Ngunit sinabi ni Micaias, “Nanunumpa ako sa buháy na Panginoon, na sasabihin ko lang ang ipinasasabi niya sa akin.”
15Pagdating ni Micaias kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaias, lulusubin ba namin ang Ramot-gilead o hindi?” Sumagot si Micaias, “Lusubin ninyo at magtatagumpay kayo, dahil ipapatalo ito ng Panginoon sa inyo.”