21Itinayo ni Huram ang mga haligi sa balkonahe ng Templo. Ang haligi sa gawing timog ay tinawag niyang Jaquin at ang haligi sa gawing hilaga ay tinawag niyang Boaz.
22Ang hugis ng mga ulo ng mga haligi ay parang mga bulaklak na liryo. At natapos ang pagpapagawa ng mga haligi.
23Pagkatapos, gumawa si Huram ng malaking lalagyan ng tubig na parang kawa, na tinatawag na Dagat. Ang lalim nito ay pitoʼt kalahating talampakan, ang luwang ay 15 talampakan at ang sukat sa paligid ay 45 talampakan.
24Napapalibutan ito ng dalawang hilerang palamuti sa ilalim ng bibig nito. Ang bilog-bilog na palamuting ito ay nakapalibot, anim bawat isang talampakan. Kasama na itong ginawa nang gawin ang sisidlan.
25Nakapatong ang sisidlan sa likod ng labindalawang tansong toro na magkakatalikod. Ang tatlong toro ay nakaharap sa gawing hilaga, ang tatlo ay sa kanluran, ang tatlo ay sa timog, at ang tatlo naman ay sa gawing silangan.