46Ipinagawa ang mga ito ni Haring Solomon sa pamamagitan ng hulmahan na nasa Kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zaretan.
47Napakarami ng mga bagay na ito, kaya hindi na ito ipinakilo ni Solomon; hindi alam kung ilang kilo ang mga tansong ito.
48Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ito para sa Templo ng Panginoon: ang gintong altar; ang mga gintong mesa na pinaglalagyan ng tinapay na inihahandog sa presensya ng Diyos;
49ang mga patungan ng ilaw na purong ginto na nakatayo sa harap ng Pinakabanal na Lugar (lima sa bandang kanan at lima sa kaliwa); ang mga gintong bulaklak, mga ilaw at mga pang-sipit;
50ang mga baso na purong ginto, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok na ginagamit sa pangwisik, mga sandok at mga lalagyan ng insenso; ang mga gintong bisagra para sa mga pintuan ng Pinakabanal na Lugar at gitnang bahagi ng Templo.