17Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa iyong sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel.
18Inutusan ka niyang isagawa ang isang pakay, sinabi niya, ‘Humayo ka at ubusin mo ang mga Amalekita dahil silaʼy mga masasamang tao; labanan mo sila hanggang sa maubos silang lahat.’
19Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20Sumagot si Saul, “Sinunod ko naman ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga taong nasasakupan niya.
21Kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagagandang tupa at baka mula sa mga nasamsam sa digmaan. Dinala nila ang mga ito para ihandog sa Panginoon na iyong Diyos sa Gilgal.”