19Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20Sumagot si Saul, “Sinunod ko naman ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga taong nasasakupan niya.
21Kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagagandang tupa at baka mula sa mga nasamsam sa digmaan. Dinala nila ang mga ito para ihandog sa Panginoon na iyong Diyos sa Gilgal.”
22Ngunit sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa.
23Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng uloʼy kasinsamá ng pagsamba sa mga diyos-diyosan. Dahil sa sinuway mo ang salita ng Panginoon, itinakwil ka na niya bilang hari.”