1Nag-utos si Solomon na magtayo ng Templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon, at ng palasyo para sa kanyang sarili.
2Nagpatawag siya ng pitumpung libong lalaking tagahakot, walumpung libong lalaking tagatabas ng mga bato sa mababang bahagi ng bundok, at tatlong libo at animnaraang kapatas.
3Nagpadala si Solomon ng ganitong mensahe kay Haring Hiram ng Tiro: “Padalhan mo ako ng mga kahoy na sedro gaya ng ipinadala mo sa aking amang si David nang nagpatayo siya ng palasyo niya.
4Magpapatayo ako ng templo para sa karangalan ng pangalan ng Panginoon na aking Diyos. Magiging banal ang lugar na ito na pinagsusunugan ng mabangong insenso, pinaghahandugan ng tinapay, at pinag-aalayan ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at gabi at sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa iba pang mga pista sa pagpaparangal sa Panginoon na aming Diyos. Ipinatutupad ang tuntuning ito sa lahat ng mga Israelita magpakailanman.
5“Napakalaki ng Templo na itatayo ko dahil mas makapangyarihan ang aming Diyos kaysa sa ibang mga diyos.