1Sa ikapitong taon, gumawa na ng hakbang si Joiada. Gumawa siya ng kasunduan sa limang kumander ng daan-daang sundalo. Silaʼy sina Azarias na anak ni Jehoram, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri.
2Umikot sila sa buong Juda upang tipunin ang mga Levita at ang mga pinuno ng mga pamilya sa lahat ng mga bayan. Pagdating ng mga tao sa Jerusalem,
3pumunta sila sa Templo at gumawa ng kasunduan kay Joas, ang batang hari. Sinabi ni Joiada sa mga tao, “Narito ang anak ng namatay na hari! Ito na ang panahon na siya ay dapat maghari ayon sa pangako ng Panginoon na palaging mayroon sa angkan ni David ang maghahari.
4Ngayon, ito ang gagawin ninyo: Ang isa sa tatlong grupo ng pari at Levita, na nagbabantay sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan ng Templo.
5Ang pangalawa sa tatlong grupo nila ay magbabantay sa palasyo ng hari. At ang huli sa tatlong grupo ay magbabantay sa Pintuan ng Sur. Ang ibaʼy doon sa bakuran ng Templo ng Panginoon.