16Ngunit nang naging makapangyarihan siya, naging mayabang siya. At ito ang nagpabagsak sa kanya. Nagkasala siya sa Panginoon na kanyang Diyos, dahil pumasok siya sa Templo ng Panginoon at personal na nagsunog ng insenso sa altar.
17Sinundan siya ni Azarias na punong pari at ng walumpu pang matatapang na mga pari ng Panginoon,
18at sinaway. Sinabi nila, “Uzias, hindi ka dapat magsunog ng insenso para sa Panginoon. Ang gawaing iyan ay para lang sa mga pari na mula sa angkan ni Aaron. Sila ang pinili upang magsunog ng insenso para sa Panginoon. Lumabas ka sa Templo dahil nagkasala ka sa iyong ginawa. Hindi ka pagpapalain ng Panginoong Diyos.”
19Labis na nagalit si Uzias sa mga pari. At habang hawak niya ang sisidlan ng insenso sa may altar sa Templo ng Panginoon, tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang kanyang noo.
20Nang makita ni Azarias at ng mga kasama niyang pari na tinubuan ng malubhang sakit sa balat ang noo ni Uzias, nagmadali silang ilabas ito. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siyaʼy pinarusahan ng Panginoon.