6Gayunpaman, hanggang sa ikadalawampuʼt tatlong taóng paghahari ni Joas, hindi pa rin naipapaayos ng mga pari ang Templo.
7Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Jehoiada at ang iba pang mga pari at tinanong, “Bakit hindi pa ninyo naipapaayos ang Templo? Simula ngayon, huwag na ninyong gagastusin ang mga pera para sa sarili ninyong pangangailangan. Dapat gastusin ito sa pagpapaayos ng Templo.”
8Pumayag ang mga pari na hindi na sila ang mangongolekta ng pera sa mga tao at hindi na rin sila ang magpapaayos ng Templo.
9Kumuha si Jehoiada ng kahon at binutasan ang takip nito. Pagkatapos, inilagay niya ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan papasok sa Templo ng Panginoon. Kung mayroong magbibigay ng pera sa Templo, ang mga paring nagbabantay sa pintuan ang maglalagay nito sa kahon.
10Kapag puno na ang kahon, binibilang ng kalihim ng hari at ng punong pari ang pera at inilalagay nila ito sa mga lalagyan.