12Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”
13Naging hari ng Israel si Salum na anak ni Jabes noong ikatatlumpuʼt siyam na taon ng paghahari ni Uzias sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya sa loob ng isang buwan.
14Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Salum bilang hari.
15Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Salum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
16Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.