29Pero ang ibaʼt ibang grupo ng mga taong ito ay patuloy pa rin sa paggawa ng sarili nilang mga diyos-diyosan. Sa bawat bayan na tinitirhan nila ay nilalagyan nila ng mga diyos-diyosan sa mga sambahan sa matataas na lugar na ginawa ng mga taga-Samaria.
30Ginawang diyos ng mga taga-Babilonia si Sucot-benot. Sinamba ng mga taga-Cuta ang diyos nilang si Nergal. Sinamba naman ng mga taga-Hamat si Asima.
31Sinamba ng mga taga-Ava ang diyos nilang sina Nibhaz at Tartac. Sinunog naman sa apoy ng mga taga-Sefarvaim ang mga anak nila bilang handog sa diyos nilang sina Adramelec at Anamelec.
32Sinamba nila ang Panginoon, pero pumili sila ng mga pari na mula sa kanila para mag-alay ng mga handog sa mga sambahan sa matataas na lugar.
33Kahit sinasamba nila ang Panginoon, patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyos-diyosan ayon sa kaugalian ng mga bansang pinanggalingan nila.