22Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda.
23Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ikalabingwalong taóng paghahari ni Josias.
24Pinalayas din ni Josias sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga diyos ng mga tahanan, ang iba pang mga diyos-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josias para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkias sa Templo ng Panginoon.
25Walang sinumang naging hari ang katulad ni Josias na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas, alinsunod sa Kautusan ni Moises; kahit ang mga nauna sa kanya, maging ang mga sumunod sa kanya.
26Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manases na nakapagpagalit sa kanya.