16Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya.
17Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola at dadalhin ko sa amin. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa anumang diyos maliban sa Panginoon.
18Ngunit patawarin sana ako ng Panginoon kapag sumáma ako sa hari na pumunta sa templo ng diyos na si Rimon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng Panginoon kung luluhod din ako roon.”
19Sinabi ni Eliseo, “Umalis kang mapayapa.” Ngunit hindi pa nakakalayo si Naaman ay
20sinabi ng utusan ni Propeta Eliseo na si Gehazi sa sarili niya, “Hindi dapat hinayaan ng aking amo na paalisin ang Arameong si Naaman nang hindi tinatanggap ang regalong dala niya. Sumusumpa ako sa buháy na Panginoon na hahabulin ko siya at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”