2Pagdating mo roon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat na apo ni Nimsi. Ilayo mo siya sa mga kasama niya at dalhin mo sa isang kuwarto nang dalawa lang kayo.
3Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at bilisan mong umalis; huwag kang tumagal.”
4Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot-gilead.
5Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino ʼyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.”
6Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel.