11Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Diyos, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko upang hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buháy, na hindi mapapahamak ang anak mo.”
12Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.”
13Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Diyos ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na po ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, mahal na hari, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak.
14Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Diyos ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.
15“Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko,