10Ngunit nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ”
11At may dalawandaang lalaki mula sa Jerusalem na sumama kay Absalom. Silaʼy inimbitahan lamang at wala silang kaalam-alam sa mga plano ni Absalom.
12Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel na taga-Gilo. Isa siya sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.
13May isang mensaherong nagsabi kay David, “Nakuha na ni Absalom ang loob ng mga mamamayan ng Israel.”
14Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Bilisan nʼyo, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira rito sa lungsod. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!”