7Sumagot si Husai, “Sa ngayon, hindi maganda ang ipinayo ni Ahitofel.
8Kilala nʼyo ang inyong ama at ang kanyang mga tauhan; magigiting silang mandirigma at mababangis tulad ng oso na inagawan ng mga anak. Bukod pa riyan, bihasa ang ama nʼyo sa pakikipaglaban, at hindi siya natutulog na kasama ng mga tauhan niya.
9Maaaring sa oras na itoʼy nagtatago siya sa kuweba o sa ibang lugar. Kung sa unang paglalaban nʼyo ay mapatay ang iba sa mga sundalo nʼyo, sasabihin ng makakarinig nito na natalo na ang mga sundalo ninyo.
10Kahit ang pinakamagigiting nʼyong sundalo na kasintapang ng leon ay matatakot. Sapagkat nalalaman ng lahat ng Israelita na ang ama ninyoʼy bihasang mandirigma at matatapang ang tauhan niya.
11“Ang payo ko, tipunin nʼyo ang buong hukbo ng mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba, na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. At kayo mismo ang mamuno sa kanila sa pakikipaglaban.