22Kaya pinuntahan ng babae ang mga nakatira sa lungsod at sinabi niya sa kanila ang plano niya. Pinugutan nila ng ulo si Sheba at inihagis nila ito kay Joab. Pagkatapos, pinatunog ni Joab ang trumpeta at umalis ang mga tauhan niya sa lungsod at umuwi. Si Joab ay bumalik sa hari, sa Jerusalem.
23Si Joab ang kumander ng buong hukbo ng Israel. Si Benaias naman na anak ni Jehoiada ang pinuno ng personal na tagapagbantay ni David na mga Kereteo at Peleteo.
24Si Adoniram ang namumuno sa mga alipin na sapilitang pinagtatrabaho. Si Jehosafat na anak ni Ahilud ang namamahala sa mga kasulatan sa kaharian.
25Si Sheva ang kalihim ng hari. Sina Sadoc at Abiatar ang pinuno ng mga pari.
26Si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.