24Nang marinig ito ng kapitan ng mga guwardiya sa Templo at ng mga namamahalang pari, naguluhan sila at hindi maubos-maisip kung ano ang kahahantungan nito.
25Siya namang pagdating ng isang taong nagbalita ng ganito, “Ang mga lalaking ikinulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”
26Agad na pumunta sa templo ang kapitan ng mga guwardiya at ang kanyang mga tauhan. Dinakip nila ang mga apostol pero hindi sila gumamit ng dahas dahil natatakot silang batuhin ng mga tao.
27Dinala nila ang mga apostol at iniharap sa Sanhedrin. Tinanong sila ng punong pari,
28“Hindi baʼt pinagbawalan na namin kayong magturo tungkol sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo ang ginawa nʼyo! Kumalat na ang inyong aral sa buong Jerusalem, at kami pa ang pinagbibintangan ninyong pumatay sa kanya!”