22Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon kina Shadrac, Meshac at Abednego dahil sa lagablab ng apoy.
23At silang tatlo, sina Shadrac, Meshac at Abednego, na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno.
24Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.”
25Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang diyos.”
26Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno.