3Kaya ang mga gobernador, mga alkalde, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan ay nagtipon para sa pagtatalaga ng rebultong ipinatayo ni Haring Nebucadnezar. Tumayo silang lahat sa harapan nito.
4At sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika,
5kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar.
6Ang sinumang hindi sumamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.”
7Kaya nang marinig nila ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang instrumento, ang lahat ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi at wika ay lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na itinayo ni Haring Nebucadnezar.