18“ ‘Akong si Nebucadnezar ay nanaginip nang ganito, Beltesazar. Sabihin mo sa akin ang kahulugan nito dahil wala ni isa man sa mga marunong sa aking kaharian ang makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito. Ngunit maipapaliwanag mo ito sapagkat nasa iyo ang espiritu ng mga diyos.’
19“Nabagabag at natakot si Daniel (na tinatawag ding Beltesazar) nang marinig niya ito. Kaya sinabi sa kanya ng hari, ‘Beltesazar, huwag kang mabagabag sa panaginip ko at sa kahulugan nito.’ “Sumagot si Beltesazar, ‘Mahal na Hari, sana po ang inyong panaginip at ang kahulugan nito ay sa inyong mga kaaway mangyari at hindi sa inyo.
20Ang napanaginipan ninyong punongkahoy na lumaki at tumaas hanggang langit na kitang-kita sa buong mundo,
21na may mayayabong na dahon at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon ang mga sanga,
22ay walang iba kundi kayo, Mahal na Hari. Sapagkat kayo po ay naging makapangyarihan; ang kapangyarihan ninyo ay abot hanggang langit, at ang inyong nasasakupan ay umabot sa ibaʼt ibang dako ng mundo.