35“Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno,
36maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Makikita niya ito, at ibibigay ko sa kanya at sa angkan niya ang lupaing ito na kanyang minanmanan, dahil buong puso niyang sinunod ang Panginoon.”
37Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, “Kahit ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon.
38Ngunit ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin ng lupain.
39Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, ngunit sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at maaangkin nila iyon.