37Dahil sa inyo, nagalit din ang Panginoon sa akin. Sinabi niya sa akin, “Kahit ikaw ay hindi rin makakapasok sa lupaing iyon.
38Ngunit ang iyong lingkod na si Josue na anak ni Nun ay makakapasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mamumuno sa mga Israelita sa pag-angkin ng lupain.
39Makakapasok sa lupaing iyon ang inyong mga anak na wala pang muwang. Natatakot kayo na baka bihagin sila, ngunit sa kanila ko ibibigay ang lupaing iyon at maaangkin nila iyon.
40Ngunit kayo, babalik kayo sa ilang papunta sa Dagat na Pula.”
41At sinabi ninyo, “Nagkasala kami sa Panginoon. Lalakad kami at makikipaglaban ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Diyos.” Kaya inihanda ng bawat isa sa inyo ang kanyang mga armas, at inisip ninyo na madali lang ang pag-agaw sa mga kaburulan.