14Sapagkat ang Panginoon na inyong Diyos ay naglilibot sa inyong kampo para iligtas kayo at ibigay sa inyo ang inyong mga kaaway. Kaya kailangang banal ang inyong kampo, upang wala siyang makitang malaswa sa inyo at talikuran niya kayo.
15Kung tumakas ang isang alipin sa kanyang amo at tumakbo sa inyo, huwag ninyo siyang piliting bumalik sa kanyang amo.
16Patirahin ninyo siya sa inyong lugar, kahit saang bayan niya gusto. Huwag ninyo siyang aapihin.
17Dapat walang Israelita, lalaki man o babae, na magbebenta ng kanyang katawan bilang pagsamba sa mga diyos-diyosan sa templo.
18Huwag ninyong dadalhin sa bahay ng Panginoon na inyong Diyos ang perang natanggap ninyo sa pamamaraang ito bilang bayad sa inyong pangako sa Panginoon na inyong Diyos, dahil kasuklam-suklam ito sa kanya.