23Itinalaga ng Panginoon si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupaing ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”
24Pagkatapos na maisulat ni Moises ang lahat ng utos sa aklat,
25inutusan niya ang mga Levita, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon. Sinabi niya,
26“Kunin ninyo ang Aklat ng Kautusan na ito at ilagay sa tabi ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon na inyong Diyos. Mananatili ito roon bilang saksi laban sa mga mamamayan ng Israel.
27Sapagkat nalalaman ko kung gaano kayo kasuwail at kung gaano katigas ang inyong ulo. Kahit nga ngayong kasama ninyo ako, nagrerebelde na kayo sa Panginoon, ano pa kaya kung patay na ako!