31Sapagkat mahabagin ang Panginoon na inyong Diyos, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.
32Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Diyos ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito.
33Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Diyos mula sa apoy, kagaya ninyo?
34Mayroon pa bang ibang Diyos na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Subalit iyan ang ginawa ng Panginoon na inyong Diyos doon sa Ehipto, at kayo mismo ang nakakita nito.
35Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Diyos, at wala nang iba pa.