13Humingi siya ng payo sa mga pantas, sapagkat nasa patakaran ng haring sumangguni sa mga nakakaalam ng mga kautusan at batas ng kaharian.
14Ang palagi niyang hinihingan ng payo ay sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Persia at Media, at malapit sila sa hari.
15Nagtanong ang hari sa kanila, “Ayon sa kautusan, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil hindi niya sinunod ang utos ng hari na ipinaabot ng kanyang mga eunuko?”
16Sumagot si Memucan, “Mahal na Hari, nagkasala po si Reyna Vasti hindi lang sa inyo, kundi pati na rin sa mga pinuno ng kaharian ng Persia at Media at sa mga mamamayan ng buong kaharian.
17Ang ginawa ni Reyna Vasti ay tiyak na malalaman ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian at gagayahin din nila iyon. Hindi rin sila susunod sa mga asawa nila, at sa halip ay mangangatwiran, ‘Si Reyna Vasti nga ay hindi sumunod noong pinapupunta siya ng hari doon sa kanya.’