18“Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”
19Nang sumugod sa dagat ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon, pinabalik ng Panginoon ang tubig ng dagat sa kanila. Ngunit ang mga Israelita ay naglakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw.
21Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila: “Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay. Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”
22At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig.