7Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan. Yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkumustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda.
8Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipsiyo para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Ehipsiyo.
10Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Ehipsiyo at ng Faraon.
11Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng diyos, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Ehipsiyong nagmamaltrato sa kanila.”