15Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang tungkod na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog.
16Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko upang makasamba sila sa akin sa ilang. Ngunit hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod.
17Ito nga sinasabi ng Panginoon: Sa pamamagitan ng aking gagawin, malalaman mo na ako ang Panginoon. Sa pamamagitan ng tungkod na ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig.
18Mamamatay ang mga isda at babaho ito. Sa gayun, hindi na maiinom ng mga Ehipsiyo ang tubig ng Nilo.’ ”
19Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang tungkod sa lahat ng tubig sa Ehipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Ehipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”