18Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.
19Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Diyos ang may gawa nito!” Ngunit matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
20Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang aking mga mamamayan upang makasamba sila sa akin.
21Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa.
22“ ‘Ngunit hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang aking mga mamamayan; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, upang malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon.