4Pagkatapos, pumasok ang dakilang presensya ng Panginoon sa Templo. Doon siya dumaan sa pintuan sa gawing silangan.
5Itinayo ako ng Espiritu at dinala sa bakuran sa loob, at nakita ko ang buong Templo na nilukuban ng makapangyarihang presensya ng Panginoon.
6Habang nakatayo ang tao sa tabi ko, may narinig akong tinig mula sa Templo.
7Ang sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling dudungisan ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyos-diyosan, o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari.
8Noong una, nagtayo sila ng mga altar para sa mga diyos-diyosan nila malapit sa altar ko at pader lang ang pagitan. Dinungisan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawang iyon. Kaya nilipol ko sila.