10At ang natitirang kalahati ng lupaing ito ay ibibigay sa mga pari, 13 kilometro ang haba mula sa silangan hanggang sa kanluran, at mga limang kilometro ang lawak mula timog hanggang hilaga. Sa gitna nito ay ang Templo ng Panginoon.
11Ang lupang ito ay para sa mga hinirang na pari, na anak ni Sadoc, na aking tapat na lingkod. Hindi siya lumayo sa akin, hindi katulad ng ginawa ng ibang Levita na sumáma sa mga Israelitang tumalikod sa akin.
12Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa na hangganan ng teritoryo ng mga Levita.
13Katabi ng lupain ng mga pari ay ang lupain para sa ibang Levita na 13 kilometro ang haba at mga limang kilometro ang lawak.
14Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon.