12Ito ang natatanging handog para sa kanila sa panahong paghahati-hatiin na ninyo ang lupain, at ito ang kabanal-banalang lupa na hangganan ng teritoryo ng mga Levita.
13Katabi ng lupain ng mga pari ay ang lupain para sa ibang Levita na 13 kilometro ang haba at mga limang kilometro ang lawak.
14Ang lupaing ito ay hindi nila maaaring ipagbili o ipalit kahit na maliit na bahagi nito, dahil pinakamagandang lupain ito at banal para sa Panginoon.
15Ang natitirang lupain na 13 kilometro ang haba at dalawaʼt kalahating kilometro ang luwang ay para sa lahat. Maaari itong tirahan ng tao o pastulan ng kanilang mga hayop. Sa gitna nito ay ang lungsod
16na ang lawak ay mahigit dalawang kilometro sa gawing kanluran, mahigit dalawang kilometro sa gawing silangan, mahigit dalawang kilometro sa gawing hilaga, at mahigit dalawang kilometro rin sa gawing timog.