22Bigyan ninyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan.
23Ibigay ninyo rin ang lahat ng kinakailangan sa Templo ayon sa iniutos ng Diyos ng langit. Sapagkat kung hindi, baka sa aking kaharian at sa aking mga anak maibaling ang kanyang galit.
24Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga tagapagbantay ng Templo, mga tagapaglingkod sa Templo, at iba pang nagtatrabaho sa Templo ng Diyos.
25“At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Diyos, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Diyos at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo.
26Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Diyos o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”