9Kaya pumunta siya sa tiyuhin niyang si Ismael na anak ni Abraham at napangasawa si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ismael, bukod pa sa dalawang naging asawa niya.
10Umalis si Jacob sa Beer-seba at lumakad papuntang Haran.
11Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya.
12Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya na akyat-baba ang mga anghel ng Diyos sa hagdan.
13Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan.