12Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem upang magbantay ng mga hayop ng kanilang ama.
13Sinabi ni Jacob kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Maghanda ka, papupuntahin kita sa kanila.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”
14Kaya sinabi ni Jacob kay Jose, “Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at magbalita sa akin.” At humayo nga si Jose mula sa Lambak ng Hebron. Nang makarating si Jose sa Shekem,
15may lalaking nakakita sa kanyang pagala-gala sa bukid na nagtanong kung ano ang hinahanap niya.
16Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”