29Sa loob po ng darating na pitong taon, magiging labis ang kasaganaan sa buong Ehipto.
30Ngunit susundan po agad ito ng pitong taon na taggutom, at makakalimutan na ng mga tao ang naranasan nilang kasaganaan dahil ang taggutom ay nagdulot ng pinsala sa lupain ng Ehipto.
31Matinding taggutom po ang darating na parang walang kasaganaang naranasan.
32Dalawang beses po kayong nanaginip, Mahal na Faraon, upang malaman nʼyo na itinakda ng Diyos na mangyayari ito at malapit na itong mangyari.
33“Kaya ngayon, Mahal na Faraon, iminumungkahi ko po na dapat kayong pumili ng isang taong matalino at may kakayahang upang mamahala sa lupain ng Ehipto.